KOREAN ACTOR YOO MIN-GON, NAPALUHA SA PREMIERE NG PELIKULA NILA NI BELA PADILLA

JERRY OLEA

Napaluha si Yoo Min Gon sa premiere night ng pelikulang Yung Libro Sa Napanood Ko noong Marso 31, 2023, Biyernes, sa SM Megamall.

Si Min-gon ang South Korean actor na leading man ni Bela Padilla sa pelikulang ang aktres mismo ang nagsulat at nagdirek.

"Napanood na niya ito. First time namin parehas panoorin sa sinehan pero napanood niya, kasi nagpatulong kami sa subtitles," lahad ni Bela.

"Gusto kong i-check niya kung nagta-translate yung humor, yung drama. Kasi iba yung isinulat mo lang yung translation word for word.

"Gusto ko yung essence nung conversations, lumabas talaga. So since siya, nabasa niya ang buong script and nandun siya nung nag-shooting, alam niya yung gusto naming sabihin.

"Ahhmm nagtanong kami kung puwede niya kaming tulungan sa subtitles. Actually, napanood na niya itong movie before.

"Pero kanina, nagulat ako, umiiyak siya. Pagtingin ko sa kanya, super-punas na siya ng luha!

"Pero I understand the feeling. Kasi ganyan na ganyan ang pakiramdam ko nung first premiere night ko ever, the first time na nabigyan ako ng break.

"Parang, I get the overwhelming feeling na parang, ‘Ahh eto na yung ginawa namin! Napapanood ko na siya sa big screen!’

"Siguro nadadala rin siya na nagre-react kanina ang mga tao lalo na sa ibaba."

NOEL FERRER

May agam-agam si Bela sa magiging reaksiyon ng audience bago umpisahan ang premiere screening ng Yung Libro Sa Napanood Ko.

"Maa-appreciate ba nila lalo’t may subtitles, kailangang basahin?" lahad ni Bela after the screening.

"Pero lahat ng reaction na hinihintay ko, tumatama. Like, lahat sabay-sabay tumatawa kung saan dapat tumawa.

"So I’m happy kasi yung ilang buwan namin na ine-edit and pinagpaguran, at least napanood na finally."

GORGY RULA

Nahirapan ba si Bela na sulatin ang screenplay ng Yung Libro Sa Napanood Ko dahil sa Korean dialogues?

"Nag-research naman po ako nung isinulat ko siya. And actually si Min Gon tumulong sa amin magsulat nung Korean lines," tugon ni Bela.

Malaking bahagi ng pelikula ay kinunan sa Seoul, South Korea.

Kasama rin sa cast nito sina Lorna Tolentino at Boboy Garrovillo.

Ang Yung Libro Sa Napanood Ko ay isa sa walong official entries ng 1st Summer MMFF (Abril 8-18, 2023).

Ang Parade of Stars ng 1st Summer MMFF ay gaganapin bukas, Palm Sunday, 4:00 p.m., sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Babagtas ang parada mula Villa Beatriz patungong Quezon Memorial Circle.

2023-04-01T12:12:55Z dg43tfdfdgfd